Huwebes, Enero 17, 2019

ALITAPTAP 3

          Sabi ng mga sinaunang Tagalog "labay!" na nangangahulugang "Humayo kang may basbas ni Bathala." Ngunit pagbigkas ng mga Tagalog ng "labay!" na may seryosong mukha na tila handa na sa isang makabuluhang misyon--with epic background music--ay siya namang luha ng mga Bisaya---sa katatawa. 

          "Labay" ay nangangahulugang "itapon" sa Bisaya. Kasabay na sisimangot ng mga Taga-ilog ang mga simbahan ni Kristo, Mohammad, Buddha, Brahma etc. sa harap ng mga Bisaya at mga ateistang existentialista.Dahil Kung paanong naniniwala ang mga relihiyon sa mundo na ang tao ay ini-labay---yun ay, ipinahayo ng Diyos sa isang makabuluhang misyon; naniniwala naman ang mga existentialista na ang tao ay ini-labay sa mundo---yun ay, itinapon. At dahil itinapon nga siya na walang misyon, malaya siyang magdesisyon kung anong anyo ang kanyang isusuot at kung anong kahulugan ang kanyang isasabuhay. 

         Pero sa nakakahilong dami ng paglalaanan ng kalayaang ito---tuluyan na siyang naligaw, nagpapanggap na buhay gayong patay na ang kanyang kaluluwa. Wala nang apoy sa kanyang dibdib, ang libo-libong mga tao, tila mga libo-libong patay na alitaptap. "Ang siyudad, Shoji..." sabi ko sa sarili ko "...ang syudad ay puno ng ilaw sa gabi, ngunit hindi ng ilaw ng mga pusong nag-aalab, kundi ng mga ilaw ng opisina, sasakyan, at mga pekeng bituin...patay na ang mga alitaptap Shoji, patay na sila.

==========

             Isang lalaking lulong sa droga ang ikinulong matapos patayin ang kanyang lolo. Pinagtataga niya ito dahil sa kaniyang isipan ay isa itong malaking pusang itim na lalamunin siya. Umugong ang balitang ito noong high school ako at naging tema pa nga ng isang libro ng paborito kong manunulat.

          Sa isang barong-barong sa Caloocan, isang nanay at anak na babae ang nanunuod ng balita habang naghahapunan ng taba ng baboy na nilasahan ng asin. Inere sa balita ang paghuli at pagkulong sa lalaking chinop-chop ang kaniyang lolo dahil lulong sa droga. 

        "Walang hiyang adik, lolo pa niya pinatay niya. Hindi naman iyan mag-aadik kung di pinabayaan ng magulang, ibang klase!" sabi ng nanay, na siya namang sinundan ng tanong ng tatanga-tangang anak na babae, "Kumusta na kaya si kuya?"

                Lumipad ang mga ibon mula sa poste ng kuryente, hindi dahil sa na-kuryente sila sa buhol buhol na kable, kundi adhil sa bulabog ng nakaririnding "ARAAAAAAAYYYY!!!"; ang sigaw ng anak na babae matapos batuhin ng plastic na baso sa mukha ng kaniyang nanay na nagngingitngit sa galit.
                  Matagal na niyang kinalimutan na may anak siyang lalaki na nakulong dahil sa droga. 

==========

                  Grabe ang droga sa Tondo. Walang adik dito, nasa Makati at Taguig ang mga adik, pero Tondo ang tahanan ng pinakamalalaki at pinakamagagaling na pusher. Kung ang Betis, Pampanga at Paete, Laguna ang may finest craftsmen, Tondo ang may hawak ng titulong finest pushers. May review at training center ata dito para sa mga nangangarap maging successful drug pushers. Kaya nagsusumikap si Aleng Konsing na -push maging pusher ang nag-iisa nitong anak na si Wilson. Ngunit hindi, bilang isang ganap na millenial, nagrebelde si Wilson sa kaniyang ina at mas piniling sundin  ang pangarap nitong maging Feng Shui expert. 
                     
                      Di tulad ng nakararaming Filipino-Chinese, ay walang dangal at walang sipag si aleng Konsing, higit sa lahat, hindi siya naniniwala sa Feng Shui at kung may salitang Chino man siyang alam at nakatatak sa puso, iyon ay ---sha-bu. Hindi siya adik, pusher siya. Ito lang ang alam niyang hanap buhay bukod sa pag-aari ng isang pwesto sa divisoria na walang kita at baon pa sa utang. Mag-isa niyang pinalaki si Wilson kaya kahit labis ang pamumuhi nito sa kanya bilang isang pusher, totoong minahal ni Wilson ang kanyang ina, Nagsumikap siyang makapagtapos ng kolehiyo sa PUP at ngayon ay nais na niyang maging Feng Shui advisor---malaki ang kita--- mas malaki pa sa kita ng call center agent kung magkaroon ng mayamang kliyente. Kahit kasi tapos na ang serbisyo sa isang kliyente, bubuhos at bubuhos ang pasasalamat, o sa ibang salita, pera/regalo, hanggat sinuswerte ang kliyenteng isa o dalawang beses mo lang naman nakita. 

                      Bagong taon, at bilang isang mahirap na Pilipino, walang handa sila Wilson at nakikiasa lang sa mga bigay ng kapit-bahay---Tondo ang may pinaka masayang pagdiriwang ng bagong taon. Kung sabagay kahit hindi bagong taon may putukan dito. Kinuha ni Wilson ang wealth basket at pinuno ng kalahating kilong bigas, umaasang suswertihin sa simula ng taon. 
            
                      Ikalawang araw ng Enero, 

                   "Putang ina, wala nanaman pambili ng bigas, ibang klase! Kung di ba naman dumating yang Digong na yan, mas madali sanang kumuha, e pucha wala na ngang kapital, lay low pa tong mga drug lord!" Welcome 2019! Sinimulan ni Wilson ang taon habang naglilinis ng salamin---salamin sa mata nalang muna---huwag nalang muna linisin ang tenga..."Ma, may bigas sa wealth basket." Swerte nga ang wealth basket, kahit isang araw lang may bigas silang maisasaing. Happy New Year! 



Martes, Enero 15, 2019

ALITAPTAP 2

"Dr. Lozano, we trust you in your profession but I have to tell you, trust our profession as well. Sa korte lang kakasa yang mga medical records na yan, for the meantime, he has to be detained until he's able to bail. Wag ho kayong mag-alala, naka in-quest na po yan siya, pyansa nalang ho at pirma ng judge."

"He's been diagnosed of Paranoia and frequent hallucinations, may suicidal tendency yang pasyente ko, baka kung ano mangyari sa kanya sa loob ng kulungan! Wala ba kayong magagawa?"

"Wala na po Doc, Hindi rin naman inatras ng arresting officer yung kaso, we just have to follow protocol."

==========

Ikalawang gabi sa kulungan, at pumasok sa isip ko ang mga "protocol" ng lipunan. "Malaya ako, kaya ako naliligaw" ang sabi ni Franz Kafka, ipinagdidiinan ng lipunan na ang sino mang umanib dito ay magkakaroon ng kalayaan. Ang daming pwedeng bilhin, ang damig pwedeng gawin, ang daming pwedeng ipang-aliw sa sarili-- ito ang kalayaang handang ibigay ng lipunan ang pagkakaroon ng kakayahang pumili sa kahit anong damit sa ukay-ukay; value meal sa McDo; drinks sa bar; aliw sa casino; pati ka-date sa dating apps. Ibinibigay ng lipunan ang lahat ng iyan pati ang kalayaan mong pumili rito.

Sabi ng isang patalastas sa TV matapos makarating ng matanda sa dulo ng nakahilerang daan-daang plato, "nakakahilo sa dami". At totoo nga, hihiluhin ka ng lipunan sa dami ng pwede mong gawin sa kalayaan mo, ngayon, hindi mo na malaman kung nasaan ka na, saan ka pupunta at kung sino ka. Tila naligaw ka sa isla ng diyosa na si Circe. Nagbago ka na rin ng anyo, dahil naniniwala kang ang anyong iyon ang tunay na ikaw. Walang pagdududa sa sarili kung naghuhubad ka ba ng damit o nagsusuot ng panibago. Hindi mo susubukang magtanong dahil naniniwala kang ang anyong mayroon ka ay ang totoong ikaw gayong kung tutuusin ikaw lang ang lumikha ng katotohanang ito. Pero bakit? Bakit tayo lumilikha ng mga sariling anyo?

Sa tingin ko, iyon ay dahil sa nakaliligaw na kalayaan. ang sabi ng mga existentialist na philosophers "tinapon" tayo sa mundo. Isang ideya na mas magandang ipahayag sa Tagalog: "Wala kang malay kung bakit ka biglang nagkamalay." Namulat ka nalang isang araw na nasa lipunan at nangangailangang sumunod sa mga "protocol" nito na kung tutuusin ay mas madami at mas malala pa sa sampung utos ng Diyos. Isipin mo, bawal nang pumatay ng pusa, lagot ka sa PETA patin anrin sa social media. Pusa, Diyos ko ang pusa--- ang pusang hobby mo lang gupitin ang tenga, baliin ang buntot, lunurin sa batya at ihagis sa ere nung grade 3 ka. At totoo naman, bakit ka pipigilan ng lipunan na gawin ito gayong wala naman yun sa sampung utos.

Ngayon, hindi mo na kayang saktan ang pusa, hindi dahil sa may pisikal na kamay ang lipunan para pigilan ka kundi dahil naka "program" na ang isip mo na mapapahamak ka kung ipapahamak mo ang pusa. Tulad ng kwento ng mga elepante na kahit itali mo sa tingting ay hinbdi lalayo at magpupumiglas kahit kaya naman nito. Kaya nito pero hindi nito magawa dahil sinanay siyang manatili sa kung saan man siya itinali mula pa nung bata. Parang tao sa batas ng lipunan. Ngayon kalaban na niya ang sarili niyang pag-iisip. Swerteng pusa.


ALITAPTAP 1

     "Dr. Lozano?" Siya ang una kong tinawagan matapos akong i-detain. Limang minuto ang ibinigay ng warden, pero naisip ko, hindi ko kailangan ng limang minuto. Noong makita ni mama ang lubid sa kwarto ko ilang buwan na ang nakakalipas, alam ko at alam niya, na patay na ang mga alitaptap at handa nang magpahinga ang puso, ngingiti na ang labi at makakatulog na ang isip. Hindi ko na kailangan pa ng limang minuto.

     Sumagi sa isip ko habang pinapalipas ang oras sa kulungan ang isang nakakatawang tanong; isang post sa internet, maraming taon na ang nakakaraan. Bakit daw nakatali ang mga ballpen sa mga bangko, wala raw ba silang tiwala sa mismong mga tao na ipinagkakatiwala sa kanila ang mga pera nito? Natawa nalang ulit ako nang maisip ko 'yun. Oo nga naman.

     Kaya hindi ko rin talaga magawang hindi isipin na walang problema sa akin. Sadyang parte na talaga ng pagiging tao na hindi magtiwala at marami siyang dahilan para magduda! "We are designed to survive and we will do everything to preserve our existence, even at the expense of others." ang sabi ko. Ito rin ang dahilan kung bakit naniniwala akong walang problema sakin, normal ako, mas naging bukas lang ang isipan ko sa realidad na yan; at mali bang umiyak at magdalamhati sa sitwasyong ito ng tao? 

      Umiiyak ako at nagdadalamhati, hindi ako umiimik sa nakalipas na limang oras na nagiinuman kaming magbabarkada. Normal sa kanila na makita akonbg umiiyak habang umiinom, hindi nagsasalita. Iniisip nilang lasing na ako at alam kong yun ang iniisip nila, at hinahayaan ko lang silang isipin yun. Maraming beses na akong pinagsamantalahan, mula sa maliit hanggang sa malaking mga bagay--financially, socially, sexually, materially--lahat. Lahat sila pinagsasamantalahan ako, at alam ko yun. Marahil iniisip nilang hindi ko napapansin pero alam ko! Ito na ata ang presyo ng pagiging mabuting Kristiyano--ang maging martir. 

==========

2,700 pesos ang presyo ng lahat ng nainom namin, nagvolunteer akong magbigay muna ng tatlong libo dahil wala silang barya para sa hatian. 

"Babayaran ka namin pagkatapos ibigay ang sukli." sabi ni Kris
"Ok". "Ok" lang naman sagot ko sa lahat. Dahil natagalan ang waiter sa pagbigay ng sukli nakapagkwentuhan pa kami at dahil nasa akin na ang atensiyon, bumugad si Tere,

" 'Ok' , first word mo 'yan for the day, jusko Shoji, umiiyak ka nanaman kanina habang nagkakaraoke at nagtatawanan kami. Si Vince nanaman ba? Jusko, ten years! Sampung taon na, move on ka na beks, isipin mo naman ang sarili mong happiness, sayang yang fes mo." Hindi naman talaga si Vince ang iniisip ko pero "Oo eh, naalala ko lang." sagot ko. 

==========

"Alam ko naman Vince, naiintindihan ko naman. Uy nga pala, hindi ko alam kung nasabi ko napero, naalala mo ba nung nasa Palawan tayo? Nung outing ng families natin, 'the super grand reunion', haha, naalala mo nung natinik ako sa lalamunan? Ang OA ko nun  pero yun, di ko na ata nasabi, hindi naman talaga nawala yung tinik..."

"Ha? sabi mo noon ok ka na, paanong hindi nawala? Tsaka, ang layo ng kwento mo sa nangyayari, just in case you haven't heard Shoji, may boyfriend na ako and I don't want you to still chat me like before, alam niya password ko and ayoko na misinterpret ka niya. But I still want you to be my special friend, ayokong lumayo ka."

"Yung tinik Vince, hindi talaga siya nawala, hindi ko nalang pinapansin, hindi ako naginvest ng emotion ko sa tinik na yun, hanggang sa nasanay nalang ako...Alam ko Vince, na parang ako lang yang tinik na yan, pero sa lalamunan mo. Nasanay ka nalang na nanjan ako pero hindi mo ako pinapansin. Ayaw mo akong mawala sayo? I know Vince, sinasabi mo lang yan kasi you're afraid that I will do something stupid like killing myself--konsensiya mo lang ako Vince, tinik lang ako sa lalamunan mo. 

==========

Hindi parin bumabalik ang waiter, tinawag ko na siya dahil kailangan na naming umuwi. "Sir naibigay ko na po yung sukli." Parang gumuho ang mundo ko, tumigil ang pintig ng puso. Heto nanaman, heto nanaman ang mundo, hindi ata makakalubog ang araw hanggat walang nananamantala sa akin. Sumabog ako at sa loob ng madilim na bar, pumasok at sumugod ang libo-libong mga alitaptap at napuno ng liwanag ang aking mga mata "Anong gagawin ko?" tanong ko. "Ipaglaban mo ang katotohanan" sagot ng liwanag. 

Hindi ko na matandaan ang detalye, ang alam ko lang ay sumabog ako at nagwala sa bart dahil hindi nakita sa CCTV na nasuklian nga ako. Marahil para malihis ang sisi, tumawag ng pulis ang management ng bar at pinilit akong itinulak papalabas habang nagwawala, umiiyak at nagdadalamhati sa sitwasyon ng tao. 

     

PATAY NA ANG MGA ALITAPTAP - Paunang Salita

PATAY NA ANG MGA ALITAPTAP


Paunang Salita

   Namatay ang mga alitaptap sa tunggalian sa pagitan ng Nais ng Diyos (will of God) at nang Malayang Pagnanais ng Tao (free will). Ang mga alitaptap, ang mga kaluluwa naglalakbay sa ibabaw ng sanlibutan ay nawalan ng liwanag dahil ang tunggalian sa pagitan ng Nais ng Diyos at ng Malayang Pagnanais ng Tao ay isang malaking sarswela na isinulat mismo ni Bathala. Sa dramang ito, iniisip ng tao na mayroon siyang kalayaang pumili at ito ay isang biyayang handong ng Diyos, ngunit ito ay isang panlilinlang. Isang malaking kalokohan.

     Kung totoong ang Nais ng Diyos ay supremo at walang makababali, nangangahulugan na ang mga nagaganap sa mundo ay maihahanay lamang sa dalawa; ang passive at active will of God. Kung mayari ang ninanais ng tao, ibig sabihin ay pinahintulutan ito ng Diyos (passive) at kung hindi mangyari ang ninanais ng tao, ibig sabihin ay aktibong kinontra ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga inilatag niyang sirkumstansiya (active). 

      Kasalanan ba ng Paraon na tugisin ang mga Hudyo gayong Diyos mismo ang nagpatigas sa kaniyang puso? Nasaan ang kaniyang kalayaan? Kasalanan ba ni Eba na makinig sa bulong ng ahas gayong pinagkalooban siya ng Diyos ng isip na uhaw malaman ang katotohanan? Kasalanan ba ni Adan na makinig kay Eba gayong pinagkalooban siya ng Diyos pusong may makataong pakikiramay? Nasaan ang kalayaan nila?

        Ang mundo ay parang isang maze na binibigyan ka ng kakayahan at "kalayaang" pumili kung liliko sa kanan o sa kaliwa, kung babalik o didiretso. Ngunit planado na ang lahat, dahil kahit pa anong piliin mong landas sa loob ng maze, ay iisa lamang ang daan palabas. Ang katotohanan ay hindi ikaw ang may layang pumili kung paano ka lalabas dito, kundi ang mga pader, ang mga sirkumstansiya ng buhay ang magdidikta kung ano ang daan palabas.