Sabi ng mga sinaunang Tagalog "labay!" na nangangahulugang "Humayo kang may basbas ni Bathala." Ngunit pagbigkas ng mga Tagalog ng "labay!" na may seryosong mukha na tila handa na sa isang makabuluhang misyon--with epic background music--ay siya namang luha ng mga Bisaya---sa katatawa.
"Labay" ay nangangahulugang "itapon" sa Bisaya. Kasabay na sisimangot ng mga Taga-ilog ang mga simbahan ni Kristo, Mohammad, Buddha, Brahma etc. sa harap ng mga Bisaya at mga ateistang existentialista.Dahil Kung paanong naniniwala ang mga relihiyon sa mundo na ang tao ay ini-labay---yun ay, ipinahayo ng Diyos sa isang makabuluhang misyon; naniniwala naman ang mga existentialista na ang tao ay ini-labay sa mundo---yun ay, itinapon. At dahil itinapon nga siya na walang misyon, malaya siyang magdesisyon kung anong anyo ang kanyang isusuot at kung anong kahulugan ang kanyang isasabuhay.
Pero sa nakakahilong dami ng paglalaanan ng kalayaang ito---tuluyan na siyang naligaw, nagpapanggap na buhay gayong patay na ang kanyang kaluluwa. Wala nang apoy sa kanyang dibdib, ang libo-libong mga tao, tila mga libo-libong patay na alitaptap. "Ang siyudad, Shoji..." sabi ko sa sarili ko "...ang syudad ay puno ng ilaw sa gabi, ngunit hindi ng ilaw ng mga pusong nag-aalab, kundi ng mga ilaw ng opisina, sasakyan, at mga pekeng bituin...patay na ang mga alitaptap Shoji, patay na sila.
==========
Isang lalaking lulong sa droga ang ikinulong matapos patayin ang kanyang lolo. Pinagtataga niya ito dahil sa kaniyang isipan ay isa itong malaking pusang itim na lalamunin siya. Umugong ang balitang ito noong high school ako at naging tema pa nga ng isang libro ng paborito kong manunulat.
Sa isang barong-barong sa Caloocan, isang nanay at anak na babae ang nanunuod ng balita habang naghahapunan ng taba ng baboy na nilasahan ng asin. Inere sa balita ang paghuli at pagkulong sa lalaking chinop-chop ang kaniyang lolo dahil lulong sa droga.
"Walang hiyang adik, lolo pa niya pinatay niya. Hindi naman iyan mag-aadik kung di pinabayaan ng magulang, ibang klase!" sabi ng nanay, na siya namang sinundan ng tanong ng tatanga-tangang anak na babae, "Kumusta na kaya si kuya?"
Lumipad ang mga ibon mula sa poste ng kuryente, hindi dahil sa na-kuryente sila sa buhol buhol na kable, kundi adhil sa bulabog ng nakaririnding "ARAAAAAAAYYYY!!!"; ang sigaw ng anak na babae matapos batuhin ng plastic na baso sa mukha ng kaniyang nanay na nagngingitngit sa galit.
Matagal na niyang kinalimutan na may anak siyang lalaki na nakulong dahil sa droga.
==========
Grabe ang droga sa Tondo. Walang adik dito, nasa Makati at Taguig ang mga adik, pero Tondo ang tahanan ng pinakamalalaki at pinakamagagaling na pusher. Kung ang Betis, Pampanga at Paete, Laguna ang may finest craftsmen, Tondo ang may hawak ng titulong finest pushers. May review at training center ata dito para sa mga nangangarap maging successful drug pushers. Kaya nagsusumikap si Aleng Konsing na -push maging pusher ang nag-iisa nitong anak na si Wilson. Ngunit hindi, bilang isang ganap na millenial, nagrebelde si Wilson sa kaniyang ina at mas piniling sundin ang pangarap nitong maging Feng Shui expert.
Di tulad ng nakararaming Filipino-Chinese, ay walang dangal at walang sipag si aleng Konsing, higit sa lahat, hindi siya naniniwala sa Feng Shui at kung may salitang Chino man siyang alam at nakatatak sa puso, iyon ay ---sha-bu. Hindi siya adik, pusher siya. Ito lang ang alam niyang hanap buhay bukod sa pag-aari ng isang pwesto sa divisoria na walang kita at baon pa sa utang. Mag-isa niyang pinalaki si Wilson kaya kahit labis ang pamumuhi nito sa kanya bilang isang pusher, totoong minahal ni Wilson ang kanyang ina, Nagsumikap siyang makapagtapos ng kolehiyo sa PUP at ngayon ay nais na niyang maging Feng Shui advisor---malaki ang kita--- mas malaki pa sa kita ng call center agent kung magkaroon ng mayamang kliyente. Kahit kasi tapos na ang serbisyo sa isang kliyente, bubuhos at bubuhos ang pasasalamat, o sa ibang salita, pera/regalo, hanggat sinuswerte ang kliyenteng isa o dalawang beses mo lang naman nakita.
Bagong taon, at bilang isang mahirap na Pilipino, walang handa sila Wilson at nakikiasa lang sa mga bigay ng kapit-bahay---Tondo ang may pinaka masayang pagdiriwang ng bagong taon. Kung sabagay kahit hindi bagong taon may putukan dito. Kinuha ni Wilson ang wealth basket at pinuno ng kalahating kilong bigas, umaasang suswertihin sa simula ng taon.
Ikalawang araw ng Enero,
"Putang ina, wala nanaman pambili ng bigas, ibang klase! Kung di ba naman dumating yang Digong na yan, mas madali sanang kumuha, e pucha wala na ngang kapital, lay low pa tong mga drug lord!" Welcome 2019! Sinimulan ni Wilson ang taon habang naglilinis ng salamin---salamin sa mata nalang muna---huwag nalang muna linisin ang tenga..."Ma, may bigas sa wealth basket." Swerte nga ang wealth basket, kahit isang araw lang may bigas silang maisasaing. Happy New Year!
